Wednesday, September 27, 2006

Buhay Saipan










Probinsya!!!.

Yan ang una kong impression sa Saipan. Dumating ako dito nung February 8, 2006. First time OFW. Natanggap ako bilang Internal Auditor ng isang bangko dito sa Saipan. Nagsawa na ako sa pulitika sa dati kong kompanya kaya tinanggap ko ang bagong trabahong ito. Naghahanap din siguro ako ng adventure at bagong experiences kaya hindi na ako masyadong nagpatumpik-tumpik pa ng dumating ang oportunidad na ito.

Hindi ko hinanap ang trabahong ito. Kusang dumating sa akin. Hindi ako naghirap para makuha ito. Siguro para sa akin talaga. Siguro binigyan ako ng buhay ng pagkakataon para malasap ulit ang saya, lungkot, takot at kawalan ng kontrol minsan sa mga pangyayari sa buhay.

Ang Saipan ay parang Pangasinan o Laguna. Magkakakilala ang mga tao sa islang ito. Dalawang oras lang at pwede mo nang maikot ang buong isla. Pero kung ako ang magmamaneho, siguro tatlong oras aabutin. (Sumusunod kasi ako sa speed limit eh.)

Walang masyadong matataas na building dito sa Saipan. Mataas na sigurong maituturing ang Saipan Grand Hotel, Hafa Adai, Hyatt at Hotel Nikko. Malakas daw kasi ang bagyo dito (naiisip kong parang Batanes) kaya hindi advisable ang mataas na buildings. Purong semento dapat ang gagamitin mo kapag nagpatayo ka ng bahay o anumang structure dahil kung hindi, hindi tatagal sa bagyo. Nasa gitna kasi ng Pacific Ocean ang Saipan at walang bundok or anumang natural structure na pwedeng maging shield kung may bagyo.

Wala ding traffic dito sa Saipan. Hindi katulad sa EDSA kapag rush hour. Madali lang mag-drive dito. Para sa isang duwag na katulad ko, I consider learning how to drive one of the major accomplishments I have of Saipan.

Mababait naman halos lahat ng driver. Sumusunod sa batas trapiko (na patterned after the US) dahil ang mahal ng bayad sa traffic violations. Natikitan na nga ako ng pulis dahil ang isa sa mga pasahero ko ay hindi naka seatbelt. Ayun, $50 ang bayad.

Nung bago ako nagdesisyon na tanggapin ang trabaho, isa sa mga naisulat kong benefits ay ang "to improve and practice my english." Juice ko day, puro Pinoy pala ang matatagpuan ko dito sa Saipan. Ni hindi nga ako required na magsalita ng English daily. Makakaraos ako sa isang araw na hindi man lang nagsasalita ng English. At iba ang grammar dito. Dahil siguro ang mga Pinoy dito, karamihan ay blue-collar workers, yung English medyo Erap style. Pati mga DJ sa radio, naku, dudugo ang tenga ng English teacher ko kapag narinig kung paano mag pronounce ng words ang mga DJ dito. Example, ang bandang The Dawn ay nagiging The Down. At ang greeting on a Friday night is "Happy Weekends po sa inyong lahat." Ay, mali! Nakakatawa. Nakakatuwa. Nakakainis. Kaya kapag kausap ko ang boss namin na Amerikano, ay, medyo naghahagilap ako ng tama at angkop na terms. Minsan nga naiisip ko, nag deteriorate na yata ang aking English speaking ability.

Walang showbiz dito sa Saipan. The closest thing they could have of showbizness is the radio. May popular na pinoy station dito. Tagalog ang salita. OPM ang tugtog. OPM na may April Boy Regino at Imelda Papin. (Jologs na maituturing pero kapag OFW ka, songs could be your link to home). Uso ang request and dedication format. Kaya ang mga DJ feeling artista. Showbiz ang dating.

Uso din ang tsismis dito. Naisip ko na dahil ang liit ng isla at walang masyadong mapagkaabalahan ang mga tao, sila-sila na lang ang nag-uusap tungkol sa kani-kanilang mga kapitbahay at kakilala. Isang usual na pangyayari or set-up sa mga probinsya. Ang pinakamalaking usapan dito ay tungkol sa mga relasyon. Mga relasyong alternatibo. May mga asawa sa Pilipinas pero may mga asawa o girlfriends dito sa Saipan. Minsan may nakausap ako na matagal na dito sa Saipan. 8 years na sya dito at nagtrabaho sya bilang HR manager sa isang construction company. Ang dami-dami nyang kwento. Nakakalungkot. Nakakagulat. Pero sa isang banda, naiintindihan ko dahil naramdaman ko kung gaano katindi ang lungkot dito sa isla. Sa isang taong sanay mawalay sa pamilya at nakakadama pa rin ng kalungkutan, alam ko kung gaano kalalim ang lungkot ng pag-iisa.

Commercial cleaner, waitress, cook, katulong, accountant, karpintero, mason, utility persons, hotel staff, prostitutes, beautician. Yan ang mga usual na trabaho ng mga Pinoy dito sa Saipan. Sa bansang katulad natin na P250/day ang minimum wage, ang $3.05/hr na minimum wage dito sa Saipan ay isa nang napakalaking halaga para sa kanila. Minsan, nagsimba ako, ang pari Pinoy din. Minsan naman, nagkayayaan kami ng mga kaopisina ko na pumunta sa isang strip bar, ang mga dancer na hubo't hubad ay mga Pilipina. Naisip ko, ang mga Pinoy nga naman. Extremes. Iba-iba ang mukha. Iba-iba ang kapalaran, pero pare-pareho. Ang pari at ang dancer sa club ay parehong "bridges to heaven." Iyong isa, sa susunod na buhay samantala iyong isa dito sa pangkasalukuyang buhay.

Chamorro ang tawag sa mga natives ng Saipan. Matataba sila (dahil siguro mahilig silang kumain ng barbeque at hindi masyadong nag-e-exercise), bilugan, maitim at karamihan pula ang ngipin dahil sa nganga. Weird nga dito, kasi pati teenagers nganga ang nginunguya. Naisip ko tuloy ang mga teenagers sa Pilipinas, nungka na ngumuya ng nganga. Lolo at lola lang ang nagnganganga sa atin di ba? Pero dito sabi nga ni Nanette Inventor, payat sya kapag natabi sya sa mga Chamorita. Naku, naisip ko, siguro malnourished ang tingin nila sa akin. Mababait naman sila. Pareho din ang kultura dahil sinakop din sila ng Espanya. Mga Katoliko pero hindi masyadong uso ang kasal dito. Pwedeng magsama kahit hindi kasal at iyon ay normal lang. (Pag sa Pilipinas, naku eskandalo ito). Dahil nga US territory sila, ang mga batas ay US din. Unique lang sa kanila yung immigration policies kaya ang mga Pinoy type dito sa Saipan. Pag nagkaanak ka dito, Agila agad ang passport (read: US citizen). Eh, syempre tayong mga Pinoy, "litlle brown americans" so, Saipan is the closest one could get to US soil.

7 months na ako dito sa Saipan. 1 year ang contract ko. Ang dami kong natutuhan. Maraming nakakalungkot na aral lalo na tungkol sa pakikipag-kaibigan. Marami din namang masaya lalo na tungkol sa mga bagay na hindi ko kayang gawin dati pero ngayon kaya ko nang gawin. 5 months na lang, tapos na ang contract ko. Ang isang taon na ito ay isang episode ng buhay na hindi ko makakalimutan. Sana matapos ito na walang aberya at sana matapos ito na patuloy pa rin akong naniniwala na kahit iba-iba ang naging karanasan ko sa pakikitungo sa kapwa Pinoy, the best pa rin ang Pinoy. Mabait. Mapagmahal sa pamilya. Hospitable. Matalino. Masayahin at higit sa lahat, magaling kumanta.

No comments: