May apat na Pinoy sa kumpanyang aking pinaglilingkuran. Si Tita, Si Ate, Si Kuya at si Bunso.
Si Tita at si Ate mga American Citizens na. Blue ang passport at may tatak agila. Si Tita ang asawa ay Chinoy na lumaki sa America kaya ugali at utak Kano. 12 years na sa Saipan si Tita. Nanirahan sa California bago pumunta dito. May isang cute at bibong anak na lalake. Mabait si Tita. Maalalahanin at maasikaso. Matapang at diretso magsalita. Mga katangiang hinangaan ko sa kanya.
Nitong mga nakaraang buwan, palagi kong nakakasama at nakakausap si Tita. Marami siyang naikukwento sa akin tungkol sa mga personal na mga bagay, mga hinaing at reklamo sa trabaho at kung anu-ano pa. Masarap kasama si Tita. Kasi nga nanay kaya alaga ako kapag sya ang kasama. Karay-karay nya ako sa mga padasal, kainan at minsan sa shopping. Maraming kwento si Tita. Hindi sya nauubusan ng topics. Maraming bagay ang halos pareho sa buhay namin. Panganay kami pareho kaya natanim sa mga pagkatao namin ang responsibilidad hindi lang sa aming mga sarili kundi na rin sa buong pamilya. Ang buong pamilya ni Tita (nanay at mga kapatid) ay nandito nang lahat sa Saipan. Si Tita ang comfort zone ko kapag may okasyon sa bangko. Maraming okasyon ang muntik ko nang hindi dinaluhan kasi hindi ako "in" sa mga inuman ng mga Chamorro. Buti na lang bawal sa relihiyon nina Tita ang uminom ng alak kaya sumasama ako kapag nandun sya. Si Tita madaming advice sa akin. Minsan nakikinig ako. Minsan hindi. Pero lahat ng kwento nya, lalo na tungkol sa mga personal na mga bagay sa buhay nya ay nakatago sa puso ko dahil alam kong mahalaga yun sa kanya. Pero isang bagay ang kailangan kong isiwalat para sa artikulong ito. Si Kuya ay hindi kabilang sa mga taong paborito ni Tita.
Si Kuya, katulad ko ring OFW. Green ang passport at kadalasan kailangan manikluhod sa mga Kano, Hapon, Italyano atbp. just in case gusto naming makatapak sa bansa ng mga ito. (Read: Kung gusto naming magka-visa. Kapag US Citizen kasi hindi kailangan ng visa kahit saan lupalop ng mundo gustong mamasyal.) Dalawang taon na dito sa Saipan si Kuya. May asawa at dalawang anak sa Pilipinas. (Hindi ko alam kung meron din dito sa Saipan). Mahilig sa babae pero ayaw umamin na babaero sya. Friendly lang daw kasi sya.
Si Kuya ay manager dati sa bangkong pinanggalingan namin, pero ngayon ko lang nakita at nakilala. Sa 10 years na pagiging "magka-opisina" namin, ngayon lang kami naging magka-opisina talaga. Matalino si Kuya. Summa cum laude at mataas ang nakuha sa CPA board exams. Kung susuriin maganda ang resume pero may kulang. Siguro sa character nya.
Mabait naman si Kuya (kung may kailangan), maalalahanin din naman (sa umpisa), masayang kasama (kapag walang topak), maraming ideas (huwag mo lang kokontrahin at maraming palusot na alam yan). Isa siyang ehemplo ng corporate animal. Mataas ang sweldo ni Kuya, isang palatandaan na alam nyang gumalaw sa mundo ng mga kapitalista. Noong bago ako dito sa Saipan, ihinabilin ako ni Tita kay Kuya. Si Kuya ang aking palaging kasama. Alam kong maraming nag-akala na baka higit pa sa pagiging magka-opisina ang relasyon namin. Pero mali ang akala nila.
Dahil nga pareho kami sa maraming bagay, itinuring kong kaibigan si Kuya, pero hindi naglaon lumabas ang mga nakakatakot at hindi kaaya-aya nyang ugali. Ganun pa man, pinipilit kong maintindihan kung saan sya nanggagaling. Siguro ganun talaga kapag OFW kayo pareho (O siguro dahil likas akong mabait). Pero in fairness kay Kuya, kitang-kita ko sa mga mata nya kung gaano nya ipinagmamalaki ang mga anak nya. Kaya kahit nakakairita sya minsan (ay dumadalas na ngayon), I am trying my best na makita ang mga positibong aspeto sa pagkatao ni Kuya. Marami syang pilosopiya at mga gawain na hindi ako sang-ayon at minsan hindi ko ma-reconcile ang mga sinasabi nya sa ginagawa nya. Ganun pa man, gusto ko pa ring maniwala na may kabutihan pa rin sa puso si Kuya. Alam kong marami syang mga pangarap at plano para sa pamilya at sa sarili. Marami din syang naikwentong mga personal na bagay sa akin at lahat ng iyon ay nakasulat sa mga journals ko at alam ni Kuya na papatay ako ng tao kapag may bumasa ng mga iyon ng wala akong pahintulot.
Si Ate naman, makulay, magulo at masalimuot ang istorya ng buhay. American Citizen na din si Ate. Nakapag-asawa ng isang Chamorro ngunit nagkahiwalay sila ng kanyang asawa. May anak na dalagita. Masayang magkwento si Ate. Kalog. Babaeng bakla. At maraming tsismis na alam. Kapag nadadalaw ako sa branch niya, madami palagi syang kwento. Taga-pakinig lang naman ako kasi puro bago sa pandinig ko ang mga kwento nya. Kwento tungkol sa mga personal na buhay ng mga kaopisina namin, alam lahat ni Ate. Ate Cristy nga minsan ang tawag ko sa kanya. Pati mga kwento sa politika sa opisina, updated si Ate. Minsan nakapagtataka dahil malayo sya sa Head Office pero online pa rin sa mga chika. Lahat ng chika nya, totoo naman. Si Ate nga ang nagsabi sa akin tungkol sa mga chika na kumakalat tungkol sa akin. Siyempre sa umpisa nagalit ako, pero naisip ko, "Aba, at bakit ako mag re-react eh, hindi naman totoo?"
At dahil parang showbiz dito sa Saipan, ginaya ko ang ginagawa ng mga sikat na artista tulad nina Sharon. Dedmahin ang chika. I won't go down their level no? Ayun, tumahimik ang mga makakating dila.
Kapag nagkaroon ako ng pagkakataon na makasulat ng nobela o kahit short story lang, isa sa mga pagbabasehan ko ng karakter ay si Ate. Minsan kasi ang mga kwento nya sobrang strange. Pakiwari ko tuloy baka nagbibiro lang si Ate. O di kaya, she's formulating fiction too. Naalala ko tuloy yung sinabi ng propesor ko dati sa Fiction 10, "The fiction that is our lives.........."
Si Bunso naman, bagong salta sa Saipan. Mahilig sa libro, sa musika, sa pelikula, sa badminton, sa swimming (kahit hindi madunong lumangoy), sa kape at sa mga interesanteng tao at usapan. Nahihirapang mag-adjust sa buhay sa isla dahil sanay sa buhay Maynila. Hindi makasabay sa ritmo ng buhay isla dahil mas mataas ang antas ng mga hilig kaysa sa karamihan. Sa unang tingin, mataray at seryoso si Bunso. Pero kapag nakilala mo sya, makikita mo na mabait sya sa kaibigan, maalalahanin at mapagbigay. Hindi maramot sa kaalaman at handang magturo sa mga taong nais matuto. Idealist si Bunso. Gusto pa ring panghawakan ang pilosopiya na "Man is basically good." Ayan tuloy, ilang beses ng umiyak dahil sa mga salbaheng tao. Ngunit minsan, saan nga ba natututo kundi sa mga pagkakamali?
Introspective si Bunso. Manunulat kasi. Madaldal at makwento din minsan lalo na kung nakakatagpo ng mga taong katulad nya ng hilig. Hindi magtatagal sa isla si Bunso dahil ayon nga kay Tita, "Hindi ka para sa isla Bunso. Masyadong payak mag-isip ang karamihan ng tao dito sa isla. Mabo-bore ka dito."
Sa pangkalahatan, natutuwa ako at napadpad ako sa islang ito. Marami akong nakita, narinig, na-experience at nakilala. Totoo man o hindi ang mga kwento nina Ate, Tita, Kuya at Bunso, patuloy pa rin akong makikinig. Magtatanong. Maglilinaw. Interesado palagi dahil sila ay ako at ako ay sila.
No comments:
Post a Comment