Sunday, November 19, 2006

Tsunami Experience

November 16, 2006
Thursday, alas 2:30 ng madaling araw

Sa Saipan na ba ako mamamatay?

Ayaw ko nga!

Sa pakiramdam ko, nananaginip lang ako. Ngunit ng marinig kong may kumakatok sa pintuan ng aking kuwarto, naalimpungatan ako.

Si April ang kumakatok. Naka-jacket na sya at sa mukha niya ay nakita ko ang pag-aalala.

"Ate, gising. May tsunami alert. 1:30 am daw."

"Ha?"

"Mag-e-evacuate tayo."

"Totoo ba ito?"

Binuksan namin ang pintuan ng apartment at dumungaw sa labas. Maraming sasakyan sa daan at may patrol car na dumaan. Ang aming mga kapitbahay ay naghahanda na ring lumikas.

"Totoo nga!"

"April, dalhin nyo ang mga papers ninyo. Yung mga damit, dito na lang sa maleta ko. Mas malaki ito at marami pang space."

Habang ihinahanda ko ang aking mga gamit, naalala ko ang aking kapwa OFW. Tinawagan ko siya at sinabihan na lumikas din.

"Hey, may tsunami alert daw. Mag-e-evacuate kami."

Sa tono ng boses nya, mukhang lasing na naman sya. "Eh, nandito ako sa labas, wala namang nangyayari."

"Basta. Start packing and start moving."

Binalak naming pumunta sa Mt. Tapuchao. Ang pinakamataas na lugar dito sa Saipan. Nagmamadali kaming bumaba sa parking, dala-dala ang maleta at pagkain (tinapay at peanut butter)

"Naku, bili tayo ng tubig. Wala tayong dalang tubig."

Ang sagot ni Alex, "Dun sa may San Jose, ate. 24 hours bukas iyon."

Habang nasa loob ng sasakyan, tumatawag si April sa mga kaibigan at kakilala. Ako naman, panay ang text sa mga malalapit na kaibigan.

"Baka naman prank lang ang lahat ng ito."

Binuksan namin ang radyo para malaman kung totoo nga na may tsunami alert. Halos lahat ng istasyon naka-automatic programming na. Dito sa Saipan, walang radyo na may 24-hours na naka duty na announcer. Puro FM stations kasi at walang AM stations na tulad sa atin.

Pagdating namin sa San Jose, sarado ang tindahan.

"Mukhang totoo nga."

Hindi ko alam kung saan na idinaan ni Alex ang sasakyan. Nahihilo pa ako sa antok. Ngunit hindi naman ako kinabahan. Pero naisip ko, ayaw kong mamatay dito sa jologs na isla ng Saipan.

Dumaan kami sa bahay ng mommy ni April para gisingin din sila at para humingi na rin ng tubig.

At habang naghihintay sa sasakyan, narinig namin ang announcement sa radyo.

"The tsunami alert for all the islands in the Pacific have been cancelled as of 1a.m. Repeat! The tsunami alert......"

Totoo nga na may tsunami warning! At hindi kalokohan ang lahat.

Pagbalik ni April sa sasakyan, dala-dala ang tubig na hiningi sa mommy nya.

"Cancelled na ang tsunami alert. Uwi na tayo."

Habang pabalik sa bahay, tinanong ko si April kung ilang beses na nya naranasan ang mga ganitong pangyayari. Dito na kasi sya halos lumaki at nagkaisip.

"Mga 5 times na siguro ate. Minsan yung iba, nakatulugan ko na nga lang eh."

Nang makarating kami sa bahay, hindi na ako makatulog. Binuksan ko ang TV at nanood ng CNN. Dun ko nalaman na may 8.1 earthquake sa Japan at may tsunami warning nga. May tsunami sa Hokkaido sa Japan pero maliliit lang.

Naisip ko na kung magkakaroon ng tsunami dito sa Saipan, eh baka mabura na sa mapa ang islang ito. Sa kaliitan ng isla ay baka lamunin na ng tubig ito. Dun ko napagtanto na ayaw kong magtagal sa islang ito.

Kinabukasan, pumasok ako sa opisina na inaantok at wala sa tamang wisyo.

Pagkatapos ng ilang minuto, nagtawagan ang mga kaibigan para ibahagi din ang kani-kanilang istorya tungkol sa experiences nila.

Hay...... buhay nga naman dito sa isla ng Saipan. Kakaiba!

No comments: